Tutal buwan naman ng Mayo ngayon at marami na namang mga kapistahan sann mang panig ng bansa. May mga Flores de Mayo/Santacruzan din, atbp. 'Yan ang mga kaunting okasyon na ating pinagtutuunan ng pansin.
Ewan ko lang kung "lahat" ba tayo eh naaalala palagi ang pagbibigay-pugay sa Ilaw ng Tahanan o ang ating ina. Ang palaging palatandaan ko naman kasi sa pag-celebrate ng Mother's Day ay ang ikalawang Sunday sa buwan ng Mayo. At syempre, babati talaga tayo sa ating ina. Sino ba naman kasing impiyertenete ang hindi makuhang bumati sa kanyang minamahal na ina?
Nanay, Mama, Mommy, Ermatsko, Madir, Mudra, Momsy, iilan lang yan sa mga tawag natin sa ating dakilang ina. Sabi nga ng iba, kung ano ang tawag mo sa iyong ina ay nagre-reflect sa estado ng inyong pamumuhay. Kapag mama panggitna lang ang estado ng inyong pamumuhay. Sosyala ka naman kung mommy ang itawag mo. 'Yan ay ang haka-haka ng iba. Kayo na lang ang bahalang mag verify.
Pero sa akin, nanay talaga ang tawag ko. 'Yan na kasi ang nakasanayan ko simula't sapul pa man din. Wala naman talaga kasi kaming kayamanang naibaon sa lupa para maglakas-loob akong tawaging mommy ang aking ina. Aminado naman akong hindi kami gaanong mayaman. Katamtaman lang talaga ang lagay ng estado namin sa buhay. At tsaka mas maganda naman pakinggan ang nanay sa pandinig. Hindi naman ako sang-ayon sa sabi ng iba na patungkol sa estado ng mga pamumuhay ay konektado sa katawagan sa iyong magulang.
Eh sa pamilya ni Inay, walo sila't pampito naman siya. Imagine kung paano binuhay ni Lola silang magkakapatid. Pero bata pa sila noon, nang nag- 6 feet below the ground na nga 'tong si Lola. Nagpakatatag sila para mabuhay at kayanin ang hirap noon. Nagtulungan silang magkakapatid. Nagsikap silang mag-aral para makatapos at makahanap nga ng matinong trabaho. Ang aking minamahal na ina ay nag-aral ng Nursing. Siyempre 'pag sinabing Nursing nagtatrabaho kayo sa barko. Me ganun?
Kaya ko alam ang mga yan dahil palaging ikinukuwento ng aking ina ang mga yan sa aming magkakapatid at ang buhay niya noong dalaga pa siya't nagtatrabaho bilang nurse. Hanggang sa mapangasawa niya ang aking ama. At ang unang bunga ng kanilang pagmamahalan ay wala ng iba kundi...ako!
Pansamantalang tumigil ang inay sa pagtatrabaho sa hospital dahil nga sa pagbubuntis at para mabantayan/maalagaan niya ako. Masyadong maalaga talaga si Nanay si akin. Alam niya ang bawat hininga't utot ko. Kung saan man siya magpunta, palagi akong nakabuntot sa kanya.
Habang dumadagdagng isang taon, Tila nalulungkot ako pati na rin ang aking ina dahil sa nag-iisa lang akong anak nila. Tsaka pangit pala ng feeling 'pag wala kang kalaro kahit bata ka pa, Gusto kong masundan pa ng isang kapatid, pero hindi binibigay ng Panginoon ang hinihingi namin sa Kanya. Siguro sa mga panahong iyon ay hindi pa talaga ready.
Naaalala ko pa nga noon na bawat gabi ay nagdadasal kami ni Nanay sa harap ng aming munting altar. Dalawa lang kami dahil nagtatrabaho si Itay sa barko. Pinpangunahan ko pa 'yun. Dahil sa humihingi talaga ako ng isa pang kapatid.
Pero noong 6 y/o na ako, abot-langit ang tuwa na aking naramdaman dahil halos ilang taon na akong humihingi't nagdasal. Mabuti at pinakinggan Niya nga talaga ako. Nadagdagan naman ang responsibilidad ni Nanay pero sabi niya, hindi bale basta mapunan niya lang ang kasiyahan ko. Matapos ang dalawang taon na nasundan ang ikalawa kung kapatid, isang biyaya na naman para kay Inay dahil ipinanganak naman ang bunsong kapatid namin.
Alagang- alaga talaga kami ni Nanay. Lahat ginagawa nila ni Itay para mabantayan lang kami. Pero nang medyo lumaki na ang mga kapatid ko, bumalik ulit si Nanay sa pagtatrabaho. Ngayon, siya'y isa ng Clinical Instructor sa IDC. Mabuti at pinili niya ang schedule na 3x a week para matutukan kaming magkakapatid.
Kung narito naman kasi si Nanay sa bahay. palaging maayos ang mga gamit, masipag siyang maglinis, masarap magluto, kung may award mang Dakilang Ilaw ng Tahanan, deserving siyang tanggapin 'yun.
Masaya ang feeling 'pag kasa-kasama si Nanay. Pero 'pag dumating na ang punto na siya'y mainis sa amin, hindi siya ang tipo na parang bulkan kung mag-aalburuto. Iba siya. Para kang nag-attend sa isang misa. Relax siya kung magsermon sa aming magkakapatid. Hindi mo nga matukoy kung siya ba'y nagagalit o may ikinukuwento lang sa'yo Kung ako na nga ang may kasalanan, inihahanda ko na ang earphone. Pag na-umpisa na ang sermon niya, ilalagay ko 'to sa tenga't lalakasan ang music sa cellphone. O di kaya gagamitin ko ang unan para matakpang ang ulo ko lalo na ang aking tenga.
Pero mas close talaga ako kay Nanay, kumpara sa ama ko. Dahil nga siguro sa wala siya sa bahay at sa barko naman nagtatrabaho. Kung uuwi man siya dito, tatlong buwan lang ang tagal niya bilang bakasyon lamang. Kaya hindi kami gaanong nagba-bonding. Pero tina-try kong makapaglaan ng oras sa knya.
Nung nauso naman ang Facebook (2009), masyado ko itong na-enjoy, upload ako ng uplaod ng mga litrato. Hanggang sa naintriga ang iilan sa mga photos ko. Wala namang masama sa nai-post ko noon. Pero may nagsumbong sa kanya na mukhang nababakla na ako. Dumating sa point na gusto niya na itong makita.
Dumating din ang panahong pinakahihintay ko. Kaya nag close-door meeting kami kasama ang tatay ko. At tinanong nila ako kung ano ba ang tunay kong nararamdaman. Diretsahan kong sinagot na ako ay bakla. Hindi nila ako pinagmumura o pinagbawalan. Alam kong hindi nila yun kayang gawin lalo na ang tatay ko. Wala naman silang ganong ugali. Sa katunayan, sinabi pa nila na kung ano ang man ang gagawin ko susuportahan nila ako. Basta alam kong nasa tama ako. Ang pag-amin na yun ag dahilan kung bakit nagagawa ko na ang gusto ko at nakakagalaw na ako ng husto na walang pino-probelema. Wala na akong takot at dapat pang itago. Doon ko mas na appreciate si Nanay pati na rin si Tatay, nagawa nila akong tanggapin bagkus sa aking katayuan. Nagpapasalamat ako dahil sila ang mga magulang ko. At palagi nilang sinasabi sa amin na wag kalimutang makatapos sa pag-aaral at makahanap ng trabaho. Dahil ngayon pa lang, proud na sila sa amin.
Si Nanay din ang nagturo sa akin kung paano maging assertive sa lahat ng mga bagay. Basta alam mo lang kung saan ka lulugar at magsasabi ng side mo.
Kaya ngayong Mother's Day, pinilit ko talaga 'tong tapusing ang blog para ibahagi ang paghihirap ng nanay ko.
Maaga rin akong nagising kanina para batiin siya na may kasamang halik at yakap. Hindi ako nahiyang magsabi sa kanya ng i love you dahil nanay ko naman siya. Eh ang iba nga nahihiya pang bumati. Pinapadala pa sa pagsulat, text, post sa FB, etc. Hindi naman pwedeng idikta ng ating ina na sasabihin natin sa kanya. Ano pa ang saysay ng sinseridad natin.
Wala nang kasing-sweet ang "I love you, 'Nay!" na maririnig niya mula sa anak ang mga katagang kinababaduyan mo.
Sabihin mo sa harap niya habang humihinga pa siya, habang nakadilat pa ang kanyang mga mata, habang alam mong makikita mo ang pagngiti niya pag narinig niya ang mga katagang 'yon mula sa iyo.
Pag nahiya ka, ano? Saka mo kakapalan ang mukha mong sabihing "I love you, Nay!"? Kapag hindi na siya humihinga? Nakahiga na't nakapikit na ang mga mata niya at hindi ka na niya naririnig at nararamdaman kahit kelan?
Alam mo kung paano pangitiin at pakiligin ang nanay o ang mama o ang mommy mo. Gawin mo na ngayon, huwag mo nang ipagpabukas pa
Huwag ka nang mahiyang mag-i love you sa nanay mo. Mas nakakahiya ka kung nagagawa mo 'to sa girlfriend o boyfriend mo, pero hindi sa nanay mo.
Oo, sila ang nagpapasaya ng puso mo, pero hindi sila ang nagbigay ng buhay mo.
Kahit na nag-asawa ka na, o minsang ng nag rebelde sa nanay o tatay mo, babalik at babalik ka rin sa kanila.
Kaya magpasalamat na talaga tayo sa kanila!
--fierce & love,
MARSHelino
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento